Manila, Philippines – Sampung basic information lamang ang ire-require ng Philippine Statistics Authority para sa mga kukuha ng National ID. Ito ang sinabi ni PSA Administrator Lisa Grace Benzales sa ginanap na briefing sa Malacañang.
Ayon kay Bersales, gaya ng pangkaraniwang ID, kakailanganin ang Full Name, Address, Araw at Lugar ng kapanganakan, kasarian, Nationality at Blood type. Habang optional naman, kung ibibigay ang impormasyon tungkol sa marital status, mobile number at email address.
Bukod sa basic information na ito, kailangan rin ng biometrics ng sampung daliri, iris scan at facial imagery ng isang indibidwal.
Pagkasilang pa lamang ng sanggol ay bibigyan na ito ng ID, sa pamamagitan ng Local Civil Registry, habang pagtungtong nito ng 5 taong gulang, ay dito na sila kukuhanan ng biometrics.
Ayon kay Bersales, tanging ang PSA lamang ang makakahawak ng mga impormasyong ito, kaya walang rason ang publiko na mangamba na lalabas ang kanilang mga impormasyon.