Manila, Philippines – Iginiit ni Akbayan Rep. Tom Villarin na hindi na dapat pa makialam ang Kamara sa usapin ng pagbuwag sa Road Board at pagbabalik ng motor vehicle users charge fund ng DPWH.
Ayon kay Villarin, nasa ilalim na ng executive branch ang usapin sa Road Board kaya wala nang kinalaman ang Kongreso dito.
Maliban dito na-adopt na rin ito ng Senado kaya nanggugulo na lamang ang liderato ng Kamara sa pagsusulong na huwag buwagin ang Road Board.
Paliwanag pa ni Villarin, ang mga isyu na dapat atupagin ay ang sinasabing pork o budget insertions na huwag na rin sanang daanin sa pagtuturuan lalo’t ang paggamit naman ng savings ay bahagi ng kapangyarihan ng Pangulo.
Samantala, kaugnay naman sa Road Board ay iginiit ng Senado ang pagbuwag rito habang pinapabawi naman ng bagong House leadership ang adopted version na unang inihain ni dating Speaker Pantaleon Alvarez.
Sinabi ni Alvarez na nakikipagsabwatan ang mga kongresista sa Road Board officials para mangikil sa piling contractors ng 30 hanggang 40% o bilyun-bilyong piso mula sa total cost ng mga proyekto.
Nag-ugat ang gusot sa isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson na ginawa umanong pork barrel ang P45 Billion na kita mula sa MVUC o road users tax at isiningit sa 2019 budget.