Kasunod ng inaasahang pagdating sa bansa sa susunod na buwan ng Sinovac vaccines na panlaban sa COVID-19, umapela ang Palasyo sa publiko na huwag matakot sa bakunang gawa ng China.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi naman papayag ang gobyerno na iturok sa ating mga kababayan ang bakuna kung hindi ito ligtas at epektibo.
Napatunayan na rin aniya mula sa pag-aaral sa Turkey na 91.25% ang efficacy rate ng Sinovac.
Sa katunayan, umorder ang Turkey ng 3 million doses ng Sinovac habang ang Thailand ay kukuha ng 2 million shots, ang Indonesia ay umorder naman ng 125.5 doses ng Sinovac at nakatakdang mag-uumpisa ang kanilang COVID-19 mass vaccination sa darating na January 13 kung saan isa sa mga mababakunahan nito ay ang kanilang presidente na si Joko Widodo.
Kanina, inanunsyo ni Roque na 50,000 doses ang maide-deliver na Sinovac sa bansa sa susunod na buwan.
Pagsapit ng March 2021 ay nasa 950,000 doses, April hanggang May ay nasa 1 million doses, 2 million doses pagsapit ng June 2021 at hanggang makarating ang December 2021 na kabuuang 25 million doses ng Sinovac ang maide-deliver at maituturok sa ating mga kababayan.