Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na hindi na dapat pang pag-usapan ang issue ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang i-renew ang kontrata ng MIASCOR ground handling Corporation na siyang humahawak mga bagahe ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport (CIA).
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, marami sa mga insidente ng pagnanakaw sa mga bagahe ng mga pasahero ay kagagawan ng mga empleyado ng MIASCOR.
Sinabi nito na wala namang nalabag na panuntunan ang kautusan ng pangulo dahil tapos na ang kontrata ng MIASCOR at hindi nalang ito ini-renew.
Mahalaga aniya ang interes ng taumbayan lalo na ang mga Overseas Filipino Workers pati na ang pagprotekta sa mga dumadaan sa airport local man o mga banyaga.
Kailangan din naman aniyang tiyakin ng pamahalaan na magiging maganda sa mga turista ang mga airport sa bansa at walang dapat ikabahala ang mga ito sa kanilang mga bahahe.
Inihayag din naman ni Roque na maaari din namang ma-absorb ang ilang kwalipikadong empleyado ng MIASCOR ng iba pang ground handling companies ng NAIA at ng CIA.