Inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aprubado na rin ang umento sa sahod para sa mga manggagawa na kumikita ng minimum wage sa rehiyon ng MIMAROPA o Region 4B.
Ayon sa DOLE, tataas ng P35 ang sahod ng mga manggagawa sa Region 4B kung saan mula sa 329 ay magiging 365 na ang minimum wage ng mga manggagawa.
Inaprubahan na rin ang taas-sahod ng mga kasambahay sa nasabing rehiyon kung saan nadagdagan ng P1000 kaya magiging P4,500 na ang magiging sahod nila.
Dagdag pa ng DOLE, isusumite na sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage orders para pag-aralan at magiging epektibo 15 araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan.
Matatandaan, epektibo na ang minimum wage hike sa National Capital Region (NCR) sa June 4, habang sa June 5 naman sa Western Visayas.
Una na ring inanunsyo ng DOLE na aprubado na ang umento sa sahod para sa mga manggagawa na kumikita ng minimum wage sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Caraga at SOCCSKSARGEN.