Kinalampag ni TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza ang pamahalaan na magbigay na agad ng wage subsidy sa mga unemployed at furlough employees.
Giit ni Mendoza, kailangan na kailangan na ang wage subsidy lalo na sa mga manggagawang pinipilit mapunan ang mga pangangailangan sa araw-araw.
Sinabi pa ng kongresista na dapat pangunahan na ng pamahalaan ang pagsagip sa kabuhayan ng mga manggagawa at empleyado dahil hindi na ito kaya pa ng mga pribadong sektor.
Paliwanag pa ni Mendoza, mahalaga na mabigyan ng wage subsidy ang mga manggagawa upang tuloy-tuloy ang pag-ikot ng ekonomiya.
Kung mayroong subsidiya, tiyak aniyang gagastos ang mga workers para sa pangunahing bilihin at serbisyo na siya namang magpapanatili sa operasyon ng mga negosyo at magiging daan din para magpatuloy ang trabaho ng mga Pilipino.
Ginawa ng kongresista ang suhestyon kasunod ng naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pagsadsad ng Gross Domestic Product sa 2020 na nasa -9.5%.