Manila, Philippines – Hindi iligal ang pagsasangla ng ATM card bilang
collateral sa pinagkakautangan.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, wala pang batas na nagbabawal sa
pagsasangla ng ATM card.
Pero sa interview ng RMN Manila, sinabi ni BSP Deputy Governor of the
Supervision and Examination Sector Chuchi Fonacier, kailangan mag-ingat ng
publiko dahil ibinibigay nila sa ibang tao ang pribado nilang impormasyon
tulad ng Personal Identification Number (PIN).
Dagdag pa ni Fonacier, patuloy na pinag-aaralan ng Bangko Sentral ang
panukalang ipagbawal na ang “Sangla ATM” kung saan magsusumite sila ng
report sa senado.
Pero para kay Senator Chiz Escudero, chairman ng Senate Committee on Banks,
Financial Institutions and Currencies hindi dapat gawing iligal kailanman
ang pagsasangla ng ATM card, dahil ito nalang ang maaring gamitin ng mga
mahihirap nating kababayan bilang collateral.
Nabuhay ang usaping ito, makaraang lumabas sa consumer finance survey ng
BSP na halos 40 hanggang 50 porsyento ng mga Pinoy ang gumagamit ng ATM
cards bilang collateral.