Manila, Philippines – Wala sa history ng Philippine National Police na nakialam o nagkaroon ng micromanagement ang Pangulo ng bansa sa hanay ng PNP.
Ito ang reaksyon ni PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana matapos ang mga isyung pinakikialaman ng Pangulong Rodrigo Duterte maging ang maliliit na gawain sa PNP.
Ito ay kasunod ng utos ng Pangulo na ibalik sa Ozamiz City si Police Chief Inspector Jovie Espenido.
Ayon kay Durana hindi ito micromanage sa PNP dahil noon pa man ay binibigyan ng Malacañang ang PNP ng blanket authority.
Pero bilang commander in chief ng PNP at Armed Forces of the Philippines ay may karapatan itong pumili sa mga nais nyang italaga sa pwesto sa PNP at AFP.
Lalo at kung ito aniya ang hiniling ng taongbayan o isang komunidad.
Una nang hiniling ni Pangulong Rodrigo Dutere kay PNP Chief Police Director Gen. Oscar Albayalde na ibalik sa Ozamiz City si Espenido dahil sa hiling ng mga residente sa lugar.
Kaya naman kahapon ay agad na naglabas ng official order ang PNP para sa reassignment ni Espenido sa Ozamiz City.