Cauayan City, Isabela – Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Isabela United Medical Center (IUDMC) ang ulat na may naka-admit na COVID-19 suspect sa kanilang ospital.
Sa pamamagitan ng opisyal na pahayag, sinabi ng naturang hospital na kasama at nasa likod sila ng bawat mamamayan ng Isabela sa paglaban sa Virus.
Bilang natatanging level 2 private hospital ng Cauayan City, naatasan ng Department of Health (DOH) ang IUDMC na iulat ang lahat ng suspect, probable, at kumpirmadong kaso ng COVID-19 na nadala o naitala sa kanila.
Sa ngayon ayon pa sa pamunuan ng IUDMC, walang admitted sa kanilang pagamutan na suspect, probable, at kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Taliwas ito sa naunang pahayag ng Philippine Information Agency Region 2 na may anim na dinala sa kanilang pagamutan.
Sa kabila nito, tiniyak ng IUDMC na kaisa pa rin sila ng local na pamahalaan ng lalawigan ng Isabela at ng DOH sa giyera laban sa COVID-19.
Kasabay sa pagtiyak at kahandaang tumugon at pagbibigay ng pinakamataas na lebel ng serbisyong medical ay ang panawagan ng Board of Directors na magkaisa at patuloy na manalangin ang lahat para sa kaligtasan ng bawat isa.