WALANG BANTA | Sec. Roque, sinagot ang banta umano sa buhay ng Pangulo

Manila, Philippines — Naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na walang banta sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito naman ay sa harap ng naging pahayag ni Pangulong Duterte na mayroong banta sa kanyang buhay at mula ito sa Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos ng Amerika.
Ayon kay Roque, sa ngayon ay walang banta sa buhay ng Pangulo pero matagal na rin naman aniyang sinabi ng Pangulo na hindi siya nababahala sa banta sa kanyang buhay.
Sinabi ni Roque na ang paliwanag ng Pangulo ay kung panahon na niya ay wala na siyang magagawa.
Matatandaan na sinabi ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde na sineseryoso nila ang anumang banta sa buhay ng Pangulo at palagi nilang binabantayan ang ibat-ibang grupo partikular ang Communist Party of the Philippines at ang mga lokal na terrorist groups sa bansa.

Facebook Comments