WALANG BASEHAN | Health Secretary Duque, sinabing walang basehan ang kasong isinampa ng PAO laban sa kaniya

Manila, Philippines – “Malisyoso, hindi patas at walang basehan”, ito ang sagot ni Health Secretary Francisco Duque III, sa pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa mga sinampahan ng kaso ng Public Attorney’s Office (PAO) kaugnay sa Dengvaxia issue.

Ayon kay Duque, mayroon siyang mga ebidensya para patunayan na hindi totoo ang ginawang basehan ng PAO kung saan ginamit nila ang kaso ng batang si Abby Hedia sa pagsasampa sa kaniya ng reklamo dahil umano sa pagpapabaya.

Aniya, November 2017 nang matanggap ng bata ang una nitong Dengvaxia dosage, at noong mga panahong iyon, labing isang araw pa lamang si Duque na nanunungkulan bilang kaihim ng Department of Health (DOH).


Isa pa sa ginawang, basehan ng PAO sa pagsasampa sakaniya ng kaso, ay ipinagpatuloy raw ni Duque ang Dengue Immunization Program sa kabila ng pagpapahinto ni dating Health Secretary Paulyn Ubial dito.

Itinanggi ito ni Duque, at sinabing mayroon rin siyang hawak na mga dokumento na magpapatunay na ipinagpatuloy ni Ubial ang programa, at sinalo lamang niya ito noong pag-upo niya bilang Heath Secretary.

Sa kasalukuyan, handa aniya siyang sagutin ang mga reklamong inihain laban sa kaniya, at depende sa findings kung magsasampa sila ng counter chargers sa PAO.

Facebook Comments