Manila, Philippines – Planong kwestyunin ni Albay Representative Edcel Lagman sa Korte Suprema ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao.
Giit ni Lagman, sa oras na aprubahan ng Kongreso ang martial law extension ay iaakyat niya ito sa Supreme Court (SC).
Ayon kay Lagman, walang basehan at grounds ang pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao dahil wala namang umiiral na rebelyon sa rehiyon na hinihingi ng konstitusyon.
Hindi aniya pwedeng gamitin na rason ng AFP na kaya i-e-extend ang martial law ay dahil gusto ito ng mga residente ng Mindanao.
Bukod sa unconstitutional ang batayan ng militar ay nangangahulugan lang na inaamin ng AFP at PNP na nabigo ang kanilang unang layunin na wakasan ang gulo sa Mindanao.
Nababahala din si Lagman na lumala ang karahasan at paglabag sa karapatang pantao tulad ng nangyari sa grupo nina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at ACT Teachers Representative France Castro.