Walang humpay na pag-angkat ng asukal, papatay sa sugar industry

Manila, Philippines – Nangangamba si Senator Bam Aquino na mauwi sa pagkamatay ng sugar industry ang nakaambang walang humpay na pag-angkat ng asukal.

Paliwanag ni Aquino, makakaapekto ito sa kabuhayan ng 84,000 magsasaka ng tubo at 720,000 iba pang manggagawa sa industriya ng asukal.

Sa halip na isulong ang pagpapaluwag sa pag-aangkat ng asukal, ay iminungkahi ni Senator Bam na bigyan ng pamahalaan ng karampatang tulong ang maliliit na magsasaka para mapalago ang kanilang kabuhayan.


Kaugnay nito ay ibinabala naman ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na nasa limang milyong Pilipino na umaasa sa sugar industry ang tatamaan kung matutuloy ang panukalang de-regulasyon ng pag-angkat ng imported na asukal.

Ipinunto pa ni Enrile, ang lokal na sektor ng asukal ay nag-aambag ng mahigit sa P120 bilyon kada taon sa ekonomiya dahil sa pagbenta ng raw at refined na asukal, molasses, bioethanol at biopower.

Magugunitang inianunsyo nitong Enero ni Budget Secretary Benjamin Diokno na tinitingnan ng mga economic managers ng bansa ang pagtanggal ng mga restriksyon sa imported na asukal.

Inaasahan nilang magbibigay-daan ito sa pagbaba ng presyo ng asukal sa merkado at mag-uudyok rin sa lokal na industriya na mapabuti ang kanilang produksyon.

Facebook Comments