Walang ibang aasahan sa ngayon ang publiko kundi sa ulan o bagyo para maibalik sa normal ang suplay ng tubig sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng joint committee on Public Works and Highways at Natural Resources, kapwa inaasahan lang ng MWSS at National Water Resources Board na makaranas ng sapat na pag-ulan upang maibalik sa 180 meters ang normal level ng tubig sa Angat Dam.
Tinanong kasi ni Rep. Arlene Brosas ang mga opisyal ng gobyerno sa kung ano ang konkretong plano o solusyon sa krisis sa tubig.
Aminado si MWSS Administrator Reynaldo Velasco, na sa ulan sila umaasa ngayon bagamat may ginagawa na silang mga paraan upang hindi tuluyang masagad ang tubig sa Angat dam.
Kahit sa NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., ay sa ulan din aasa para tumaas ang tubig sa Angat dam at matapos ang problema sa kakapusan ng suplay.
Ipinapanukala naman ni Bulacan Rep. Gavini Pancho na gamitin ang freshwater o magkaroon ng treatment nito para maging reserbang tubig kaysa nasasayang o natatapon lang ito sa dagat.