WALANG IBANG MAY KASALANAN | Rappler, dapat sisihin ang sarili sa desisyon ng SEC

Manila, Philippines -Binigyang diin ng Palasyo ng Malacananag na hindi inaapakan ng Administrasyong Duterte ang malayang pamamahayag matapos mapawalang bisa ng Securities and Exchange Commission o SEC ang Articles o Incorporation ng Rappler.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, walang media practitioner o media outlet ang ipinasasara ng Malacananang at patunay dito na malaya pa rin naman ang Rappler na maglabas ng kanilang mga artikulo sa social media bilang blogger.

Inihayag din naman ni Roque na ang dapat gawin ng Rappler ay dumaan sa proseso at kumuha ng Accreditation sa Office for the New Media sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o PCOO para makapag-cover sa Malacanang.


Binigyang diin din naman ni Roque na ang Rappler din naman ang may kasalanan kung bakit nakansela ng SEC ang kanilang article of incorporation dahil hindi 100% Pilipino ang pag-aari at nagko-control sa kanila.

Pinanindigan aniya ng Rappler ang kanilang posisyon noon kahit pa nabigyang ng pagkakataon ng SEC matapos itong hingan ng Show Cause Order para maitama ang pagkakamali sa kanilang Article of Incorporation.

Sobra na rin aniya ang gustong mangyari ng Rappler sa paghingi pa nila ng pagkakataon na maituwid ang pagkakamali gayong pinalampas na nila ang unang pagkakataon na ibinigay dito ng SEC.

Facebook Comments