WALANG IREGULARIDAD? | X-Ray photos na isinumite ng BOC sa pagdinig sa Kamara, lihetimo

Manila, Philippines – Wala umanong iregularidad sa resulta ng X-ray photographs na kuha mula sa apat na magnetic lifters na sinasabing naglalaman ng P6.8-Billion Pesos na halaga ng shabu na isinumite ng Bureau Of Customs sa pagdinig ng House of Representatives’ Committee on Dangerous Drugs.

Yan ang binigyang-diin ng isang opisyal ng BOC makaraang igiit ni PDEA Director General Aaron Aquino sa pagdinig ng kumite noong Huwebes na hindi kailanman magkakamali ang mga Highly trained K-9 Units ng PDEA.

Sa naturang pagdinig ay pinuna rin ni Marikina Representaive Miro Quimbo ang pagkakaiba sa colored photographs sa X-Ray na kanyang nakuha mula sa kanyang source at sa Black and white photos na isinumite ng BOC sa Kamara.


Ipinunto ni Quimbo ang brown discoloration sa imahe ng X-Ray na patunay aniya ng pagkakaroon ng shabu batay na rin sa ipinupunto ng PDEA.

Pero ayon sa Opisyal ng BOC na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi pa kailanman nagkakamali sa kanyang tungkulin ang X-Ray Inspector na sumuri at tumukoy sa X-Ray Photo Scan.

Ang naturang X-Ray Inspector ay sinanay pa sa Nuctech, ang supplier ng X-Ray machines sa BOC.

Sa naturang pagdinig ay iginiit ng BOC X-Ray Expert na si John Mar Morales na walang pagkakaiba sa brown color at sa Black and white scan ng X-Ray na ipinupunto ni Quimbo.

Ayon kay Morales kung may laman ang magnetic lifters ay magiging itim aniya ang kulay ng bahagi ng X-Ray scan kung saan sinasabing nakalagay ang shabu.

Sinabi naman ni BOC X-Ray Chief Zsae de Guzman na ang Iprenisinta ni Quimbo ay ang tinatawag na “Pseudo-Color” Scan na nagreresulta ng magkaibang epekto sa imahe.

Welcome naman sa BOC official ang desisyon ng komite na mag-imbita ng eksperto ng Nuctech para i-interpret ang X-Ray Scan images.

Iginiit nito na kahit pa saan mang pantalan dumaan ang naturang kargamento ay ganoon din ang resulta ng X-Ray Scan na lalabas.

Nasa panig na aniya ng PDEA kung paano nila patutunayan ang alegasyon na may nakalusot ngang droga sa BOC.

Facebook Comments