*Cauayan City, Isabela*- Kinumpirma ng Department of Agriculture Region 2 na walang lockdown sa mga bayan na nagpositibo sa African Swine Fever.
Ayon kay Regional Director Narciso Edillo ng DA-RFO2, ang ipinapatupad ng ahensya ay banning o regulation sa pagpasok ng mga live hogs, pork meat at by-prouducts kaya’t maaari pa ring magpasok ng mga produkto sa mga apektadong lugar sa Cagayan valley.
Sinabi pa ni Edillo na tiyakin lamang na may mga kaukulang dokumento na mula sa mga concern agencies gaya na lamang ng shipping permit, veterinary health certificate at meat inspection certificate.
Ito rin aniya ang naging kautusan ni Pangulong Duterte sa lahat ng gobernadoraat alcalde upang hindi maapektuhan ang suplay ng pagkain sa mga lugar.
Nananatili naman sa 12 bayan sa Isabela ang apektado na kinabibilangan ng Mallig, Quirino, Roxas, Quezon, Aurora, Jones, Gamu, San Manuel, Cordon, Reina Mercedes, Echague at San Pablo habang nakapagtala ang Cagayan at Nueva Vizcaya ng bawat isa.
Iwasan pa rin aniya ang pagpapakain sa mga alagang baboy ng tira-tirang pagkain mula sa kusina, restaurants at iba pang food establishments o swill feeding.
Hinikayat din nito na dapat sumunod ang mga lokal na pamahalaan sa lahat ng national guidelines at iakma ang mga local issuances (LGU Executive Orders) sa National Zoning and Movement Plan for ASF Prevention and Control na ipinalabas ng pamahalaan.