WALANG LUSOT | DOJ, tiniyak na dadaan sa masusing review ang resolusyon ng Paranaque City Prosecutor sa kaso ng Japanese gaming tycoon

Manila, Philippines – Bagama’t ibinasura ng piskalya sa Parañaque City ang reklamong estafa laban sa Japanese Gaming Tycoon na si Kazuo Okada, hindi pa rin siya ganap na lusot sa kaso.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaari pang iapela ang resolusyon ni Paranaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.

Sinabi pa ni Guevarra na maari ring maghain ng petition for review sa DOJ ang complainant na Tiger Resorts Leisure and Entertainment Incorporated.


Dagdag pa ni Guevarra, kung makikitaan ng merito ang apela, maaari pang baligtarin ng DOJ ang pagbasura sa reklamo.

Matatandaan na umani ng kontrobersiya ang nasabing resolusyon na pirmado ni Paudac dahil bago pa man ito opisyal na lumabas ay nag-leak na ang kopya nito sa indibidwal na hindi naman partido sa kaso.

Iniutos na ni Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat sa nag-leak na resolusyon na naging dahilan para akuin na rin ng DOJ ang imbestigasyon sa reklamong estafa laban kay Okada.

Nag-ugat ang reklamo dahil sa sinasabing paglustay ni Okada sa mahigit sampung milyong dolyar na pondong pag-aari ng Tiger Resorts sa pagitan ng 2016 at June 2017.

Facebook Comments