Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni PNP Chief Dir. Ronald dela Rosa ang umanoy “Davao Boys” na nasa likod ng pagpatay sa isang daan at walong (108) drug suspects sa mga anti-drug operation ng Quezon City Police District Station 6.
Sa naturang ulat, binansagan ng Reuters ang Quezon City Police District 6 bilang “deadliest police station” sa ilalim ng kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Ang mga Davao Boys ay grupo ng Anti-Drug Unit ng QCPD Station 6 na mga pulis na mula sa Davao City kung saan nagmula din si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dela Rosa – ang Quezon City ang may pinakaseryosong problema sa droga, kaya personal niyang pinadala ang grupo ng Davao Boys na may sampung miyembro at pinamumunuan ni Supt. Lito Patay na mula din ng Davao City.
Depensa ni dela Rosa – wala siyang nakikitang masama sa pagkakatalaga sa mga nasabing pulis lalo na nilagay sila doon para tugunan ang problema.
Samantala, itinuturing naman na “foul at one sided” ng Malacañang ang ulat ng international news agency na reuters sa umano’y ‘Davao Boys’.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque – hindi kinuha ng Reuters ang kanilang bersyon kaugnay sa nasabing report.