WALANG PRENO | Proseso ng pag-amyenda ng saligang batas, inumpisahan na ng Kamara; Senado, initsepwera ng Mababang Kapulungan

Manila, Philippines – Iniratsada na ng Kamara de Representantes ang Charter Change nang wala ang Senado.

Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, nasa Charter Change na ang Kamara at hindi na nila hinintay ang Senado na pagtibayin ang sariling resolusyon para dito.

Paliwanag ni Alvarez, wala naman sa Konstitusyon ang salitang “Constituent Assembly” kaya hindi naman kakailanganing mag-convene para amyendahan nila ang Saligang Batas sumali man ang mga senador o hindi.


Sinasabi lamang sa ilalim ng Saligang Batas na ang Kongreso ay maaaring mag-propose ng amyenda sa Konstitusyon sa boto na 3/4 ng mga myembro nito o sa pamamagitan ng Constitutional Convention.

Pero nang tanungin si Alvarez kung bakit Con-As ang nilalaman ng inaprubahan nilang concurrent resolution number 9, sinabi ng Speaker na ito ay pagkakamali lamang at madali itong baguhin dahil resolusyon lang ito.

Sinabi ni Alvarez na kahit wala ang Senado kung may makuha silang 3/4 na boto ng buong Kongreso ay pwede na nilang ituloy ang pagbabago ng saligang batas.

Dagdag pa ni Alvarez, sakaling kulangin ang panahon para tapusin ang mga amendments sa Cha-Cha ay handa ang Kongreso na gawin ang plebesito sa 2019 Midterm Election.

Facebook Comments