WALANG TAKAS | Babae, sugatan matapos hampasin ng tubo

Quezon City – Nagpapagaling na sa ospital ang isang babae matapos siyang paghahamasin ng tubo ng taxi driver na kaniyang sinakyan sa Quezon City.

Ayon sa biktima, pauwi na siya nang parahin niya ang taxi na minamaneho ni Zaldy Macatiag.

Sa halip na ihatid siya sa bahay, ilang beses daw silang nagpaikot-ikot kaya sinabi niya sa suspek na bababa na lang siya.


Pero kumuha raw ng tubo si Macatiag at ilang beses siyang hinampas.

Nang mapahawak siya sa kaniyang bag, nakapa raw ng biktima ang toothbrush na itinusok niya sa mata si Macatiag.

Nang lumabas ng taxi ang suspek, tumakbo ang biktima pero hinabol pa rin siya ni Macatiag.

Agad naman araw siyang nakapagtago sa ilalim nang nakaparadang sasakyan bago tuluyang lubayan ng suspek hanggang makahingi siya ng tulong sa dumaang tricycle driver.

Sabi ni Police Superintendent Rossel Cejas, hepe ng QCPD-Station 4, naaresto nila ang suspek na nagpapagamot sa ibang ospital.

Sinubukan pa aniyang magpalusot ng suspek pero nakuha sa taxi niya ang mga gamit ng biktima.

Sumailalim na sa inquest proceedings ang suspek na mahaharap sa mga kasong robbery at frustrated murder.

Facebook Comments