Ipagbabawal na ang walk ins sa mga kukuha ng educational cash assistance para sa mahihirap na estudyante.
Inanunsyo ito ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo, sa layuning maiwasan na ang pagdagsa ng tao sa mga payout site.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Tulfo na kung gustong ma-accommodate para mabigyan ng ayuda, kailangan munang magparehistro na makikita sa website ng DSWD o kaya ay mag-email sa ciu.co@dswd.gov.ph.
Ayon pa sa kalihim, wala nang dahilan para sabihing walang cellphone dahil kahit lumang klase aniya ng cellphone ay pwede namang makapag-text sa DSWD para mapadalhan sila ng QR code o mensahe na nagtatakda ng petsa kung kelan sila pwedeng pumunta sa payout site para kumuha ng ayuda.
Susubukan din aniya nilang gawin na alphabetical order ang mga papupuntahing benepisyaryo sa payout site sa Sabado at sa mga susunod pang Sabado hanggang September 24.