Sa halip na tradisyunal na Traslacion, magsasagawa na lang ang pamunuan ng Quiapo Church ng ‘Walk of Faith’.
Ito’y para sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero ng susunod na taon.
Nagdesisyon ang simbahan na suspendehin pa rin ang prusisyon ng imahe ng Black Nazarene sa 2023 sa kabila ng pagluluwag sa COVID-19 restrictions.
Isasagawa ang Walk of Faith sa Enero 8, isang araw bago ang Pista ng Itim na Nazareno.
Nabatid na ordinaryo lang itong prusisyon ng mga deboto at hindi isasama ang imahe ng Black Nazarene na magsisimula sa Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Kaugnay nito, humihingi ng pang-unawa ang pamunuan ng Quiapo Church sa mga deboto kung saan kanilang iginigiit na maaari pa rin naman ipagdiwang ang Pista ng Itim na Nazareno sa ibang paraan.
Sa halip naman na pahalik sa Poong Nazareno, pagbibigay-pugay sa imahen ang gagawin sa Enero 7, isang araw bago ang Walk of Faith.