“Walk of Faith” na nilahukan ng libu-libong deboto ng Itim na Nazareno, nagging matiwasay

Naging mapayapa ang pagsasagawa ng “Walk of Faith” na isa sa mga aktibidad para sa pista ng Poong Itim na Nazareno.

Bago mag-ala una y media ng madaling araw ay sinimulan ang misa sa Quirino Grandstand kung saan nasa halos 50,000 mga deboto ang dumalo.

Libu-libo rin ang pumila para sa isinagawang “Pagpupugay” kung saan pinayagan ang mga deboto na humawak at magpunas ng panyo sa imahen ng Poong Itim na Nazareno.


Ang “Pagpupugay” ay ang aktibidad na ipinalit sa “Pahalik.”

Bago mag-alas dos ng madaling araw, umarangkada ang “Walk of Faith” na ipinalit naman sa tradisyunal na “Traslacion.”

Mula Quirino Grandstand, naglakad ang mga Kaparian, tauhan ng Quiapo Church at mga deboto sa kaparehong ruta na dinaraanan ng Traslacion hanggang makarating sa Simbahan ng Quiapo.

Pero hindi gaya ng Traslacion, hindi kasama sa prusisyon ang imahen ng Poong Jesus Nazareno at wala ring andas na sinundan ang mga tao.

Bitbit ng mga deboto ang maliliit na replika o imahen ng Black Nazarene habang ang iba ay nagdala ng mga rosary at kandila.

Habang umuusad ang lakad pananampalataya ay unti-unti ring nadagdagan ang mga debotong sumama sa prusisyon na umabot sa higit 88,000.

Pero hindi pa man nakararating sa Simbahan ng Quiapo, may ilan na kumalas na sa prusisyon at umuwi na.

Gayunman, patuloy naman ang pagdating ng iba pang mga deboto sa Plaza Miranda na naghihintay sa pagtatapos ng Walk of Faith.

Bago mag-alas kwatro ng madaling araw ay nakarating ang unahan ng prusisyon sa Quiapo Church na hudyat din ng pagtatapos ng Walk of Faith.

Sinundan ito ng misa sa simbahan.

Ayon sa pamunuan ng Manila Police District, nagging matiwasay ang pagdaraos ng Lakad Pananampalataya at wala silang naitalang anumang untoward incident.

Samantala, kabilang din sa mga aktibidad na isasagawa ngayong araw bilang bahagi ng kapistahan ay ang Band Parade, Simula ng Programang Panggabi at Bihilya sa kapistahan ng Itim na Nazareno, Panalangin ng mga Kristiyano sa Takipsilim at Pagtatanghal ng mga Kabataan.

Magkakaroon muli ng Misa Mayor o Concelebrated Mass mamayang hatinggabi.

Magpapatuloy naman ang “Pagpupugay” hanggang bukas, Enero 9

Facebook Comments