Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na itinatayo na ang “Wall of Heroes” para sa mga medical frontliners na nasawi habang nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-123 taon ng Araw ng Kalayaan, sinabi ng Pangulo na itinatayo na ito ngayon sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig.
Ayon sa Pangulo, ilalagay sa “Wall of Heroes” ang pangalan ng mga nasawing doktor, nurse at iba pang medical workers na matapang na nagbuwis ng buhay bilang frontliners.
Kasunod nito, hinikayat ng Pangulo na kilalanin ang ating mga makabagong bayani hindi lamang ang mga healthcare workers kundi ang mga nagpapatupad ng batas at iba pang nangunguna sa paglaban natin sa pandemya.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, walang takot na isinasakripisyo ng mga ito ang kanilang buhay at kaligtasan para lamang masigurong ligtas ang ating komunidad sa kabila ng krisis na nararanasan.