Walang naitalang untoward incidents ang Philippine National Police sa ginanap na walong araw na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa buong bansa may kaugnayan sa gaganaping 2022 national and local elections.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, bagama’t may mga naitalang insidente ng gulo sa loob ng Commission on Elections o COMELEC office sa Taraka, Lanao del Sur at mga paglabag sa gunban at ilan din daw na mga supporter ng mga kandidato ay lumabag sa health at safety protocols.
Pero sinabi ni PNP chief, hindi ito nakaapekto sa seguridad habang ginagawa ang paghahain ng COC.
Ang dahilan naman aniya ng mapayapang pagsasagawa ng COC sa bansa ay dahil sa maagang paghahanda at maayos na pagtatrabaho ng mga police unit commander at kanilang mga tauhan.
Pinuri naman ni PNP chief ang mga police officer dahil sa dedikasyon at pagpapatupad ng maximum tolerance sa pagpapanatili ng seguridad.