Pinangunahan ni Mayor Maila Ting-Que, kasama sina City Councilor Ronald Ortiz, City Agriculturist Evangeline Calubaquib, Linao East Brgy. Chairman Elmer Langcay at Linao West Brgy. Chairman Gerry Quilang ang distribusyon ng mga binhi sa 145 na magsasaka ng Linao East at 77 na magsasaka ng Linao West.
Inihayag naman ni Mayor Ting-Que ang ilang programa ng LGU para sa sektor ng agrikultura sa susunod na taon tulad ng pagbili ng harvester, tractor at grain dryer para magamit ng mga magsasaka.
Samantala, pinaalalahanan naman ng City Agriculturist Evangeline Calubaquib ang mga benepisyaryo na wag ipagbili ang mga natanggap na binhi sa iba.
Aniya “Not for sale” ang mga certified corn seeds na ibinigay ng DA kung saan may kaukulang parusa ang mapapatunayan na nagbenta ng mga ito at aalisin din ang kanilang mga pangalan sa database ng nasabing tanggapan.
Hinikayat din niya ang mga magsasaka na makipagtulungan sa mga programa ng kanilang tanggapan gaya ng mga pagpupulong na kanilang ipinapatawag, kung saan kadalasan ay kakaunti lamang ang dumadalo rito.