Walong Biktima ng Anti-Human Trafficking, Nasagip ng mga Otoridad!

Santiago City, Isabela- Nasagip ang walong kababaihan na biktima ng Anti-Trafficking sa isinagawang operasyon ng PNP Station 1 Santiago City sa pangunguna ni PCI Rolando Gatan, Santiago City Police Office (SCPO) sa pangunguna ni PCI Rafael R. Cabonitalla, City Intelligence Branch (CID), CIDG, Regional Anti-Trafficking Task Force, RSW, at CSWD noong Pebrero 14, 2018 sa isang Bar ng Brgy. Mabini, Santiago City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay PCR Merlyn Malana ng SCPO, Nakipag ugnayan umano sa SCPO ang PNP Davao City upang magsagawa ng follow-up operation ukol sa isinuplong ng mga magulang ng mga biktima na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Kinilala ang mga suspek na sina Enriqueta Mendoza, 50 anyos, may-ari ng Bar at residente ng Mabini, Santiago City, Janeth Suazo, 38 anyos, cashier ng nasabing Bar at residente ng Tandag City, Surigao Del Sur at si Alfredo Placa alyas “Jun Placa”, 44 anyos, van driver at residente ng Cubao, Quezon City.


Samantala, narekober pa mula kay Placa ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ayon kay PCR Malana, pinangakuan umano ng magandang trabaho ang mga biktima kaya’t sumama ang mga ito sa mga suspek mula sa Tagum City hanggang sa lungsod ng Santiago.

Nasa pangangalaga na ng CSWD ang mga biktima at inihahanda na ang mga kasong kakaharapin ng mga sangkot sa Anti-Trafficking.

Facebook Comments