Arestado ng National Bureau of Investigation o NBI ang walong Chinese Nationals at isang Pilipino na nasa likod ng pagdukot sa mga kapwa nila Chinese nationals sa bansa.
Kinilala ang mga naarestong Chinese nationals na sina:
- Ben Tan
- Haitao Wang
- Dechun Qin
- Yong Fei Chan
- Xiao Qiang Yang
- Dong Zheng Wen
- Beijun Lin
- Jun Wang
Habang ang pinoy na kasamang naaresto ay si Jomar Lozada Demadante.
Ayon sa NBI, nakatanggap sila ng reklamo mula sa ilang mga Chinese Nationals partikular mula sa asawa ng isa sa mga biktima na dinukot sa isang kilalang hotel and Casino complex sa Parañaque (Okada Manila) at dinala sa isang bahay sa Las Piñas City.
Ayon kay NBI Assistant Director for Intelligence Service Eric Distor, pawang mga player sa Casino ang walong biktima na natalo sa casino at pinautang ng mga suspek kapalit ng doble o tripleng interes.
Ayon sa NBI, ang Pinoy na si Demadante ang nagsisilbing bantay ng bahay na nagsilbing safehouse ng mga suspek.
Narecover mula sa Pinoy na suspek ang isang baril.
Isinalang na sa inquest proceedings ang mga suspek para sa kasong kidnapping at serious illegal detention at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.