Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7076 o People’s Small Scale Mining Act of 1991 at Sec. 55 ng RA 7942 o Philippine Mining Act of 1995 ang walong indibidwal matapos mahuli kahapon, April 9, 2018 sa bayan ng Cordon, Isabela.
Ang mga nahuli ay kinilalang sina Ricky Dela Cruz, kwarentay dos anyos, Mario Dinamling, singkwentay dos anyos, Fidel Pagala, kwarentay uno anyos, Octavio Agramos, singkwentay uno anyos, Valiant Viernes, Kwarentay kwatro anyos, Gerald Dug-a, Singkwentay siyete anyos, mga pawang may- asawa at residente ng barangay Anonang, Cordon, Isabela, at sina Jonathan Tobias, bente nuwebe anyos, residente Caquilingan, Cordon, Isabela at Rudy Agustin, kwarentay singko anyos at residente naman ng Brgy. Cabulay, Santiago City, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Cordon, Isabela Police Provincial Office katuwang ang CENRO-DENR San Isidro, Isabela, Natiklo ng mga otoridad bandang alas dos ng madaling araw kahapon ang walong suspek sa aktong pagproseso, pag-iipon at pagdudurog sa lahat ng kanilang mga nakuhang bato sa gilingan na nakabase sa Brgy. Anonang ng naturang bayan.
Wala umanong maipakitang dokumento at permiso ang mga suspek kaya’t agad nila itong hinuli.
Nasa kustodiya na ng himpilan ang mga nahuli para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon at mapapatawan ng kaukulang parusa.