Namatay dahil sa COVID-19 ang walong madre sa Congregation of the Religious of the Virgin Mary at St. Joseph Home sa Quezon City.
Sinabi ni RVM Sister Maria Anicia Co, tagapagsalita ng kongregasyon, ang mga nasabing madre ay nasa edad 80 anyos hanggang 90 anyos. Ito ay kasama sa 62 madre na dinapuan ng virus.
Ayon kay Sister Co, ang walong madre na nasawi ay hindi nabakunahan dahil nakaratay na rin sila sa mga iniindang sakit.
Bukod sa mga madre na nagpositibo sa COVID-19, mayroon pang 52 empleyado ng kumbento ang nahawa na rin ng virus subalit nasa mabuting kalagayan na ang mga ito at nagpapagaling.
Niliwanag naman ni Sister Co, mali ang balitang ang ugat ng pagsibol ng virus sa loob ng kumbento noong Mayo at Hunyo ay dahil hindi nagpabakuna ang mga ito.
Katunayan, naisagawa ang unang batch ng pagbabakuna sa mga Madre ng noong kaparehong buwan at nasundan ng ikalawang dose ng bakuna noong Hulyo.
Humingi din ng panalangin ang kongregasyon para sa mabilis na paggaling ng mga madre at ng mga tauhan sa kumbento kasabay ng panawagan sa publiko na huwag sanang samantalahin ang sitwasyon na ginagamit ang kongregasyon sa paghingi ng financial aid.