Hinahanap na rin ng Department of Health (DOH) ang walong umuwing Overseas Filipinos na nagtungo ng Cordillera Administrative Region o CAR.
Ito ay para masuri kung sila ba ay na-infect ng UK variant ng COVID-19.
Kinumpirma rin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na itinuturing na nilang sarado ang kaso ng Filipina domestic worker mula Cagayan na nagpositibo sa UK variant pagdating sa Hong Kong.
Ito ay matapos na magnegatibo sa UK variant ang mga naging close contact nito.
Hindi naman masabi ni Vergeire kung sa Pilipinas ba o sa flight nakuha ng Pinay ang UK variant.
Samantala, kinumpirma ng DOH ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu at iba’t ibang lugar.
Hindi naman masabi ni Usec. Vergeire kung ito ba ay epekto ng mga pagtitipon sa nakalipas na holiday season kaya mahalagang panatilihin ang pagsunod sa health protocols.
Magandang balita naman aniya na nalagpasan ng Metro Manila ang pinangangambahang paglobo ng kaso ng COVID bunga ng family reunions nitong nakalipas na Pasko.