Nakauwi na sa bansa ang walong Pilipinong nabiktima ng human-trafficking sa Cambodia kung saan pinagtrabaho ang mga ito bilang scammers ng cryptocurrency.
Nagtungo sa tanggapan ni Senator Risa Hontiveros kaninang umaga ang walong Pilipino para ibahagi sa mambabatas ang kanilang pinagdaanan sa Cambodia at para magpasalamat na rin sa tulong na ibinigay sa kanila ng senadora.
Nagpahayag ng kagalakan si Hontiveros na sa wakas ay makakapiling na rin ng mga biktima ang kanilang mga pamilya.
Sinabi ng senadora na maraming hirap na dinanas ang mga biktima sa kamay ng mga Chinese mafia tulad ng hindi pagpapasweldo, hindi pinapakain nang maayos, hindi pinatutulog at kung hindi maka-scam ng tao ay pinagbabantaan din ang mga ito na sasaktan.
Nagpapasalamat si Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa mabilis na pag-aksyon sa nasabing problema, gayundin sa Cambodian police dahil sa walang tigil na koordinasyon sa ating embahada, at sa mga civil society organizations at mga indibidwal na tumulong sa pagpapadala ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga kababayang naghihintay na makauwi ng Pilipinas.
Umapela naman si Hontiveros sa publiko na huwag lamang basta isipin na illegal workers at undocumented immigrants ang mga Pilipinong na-rescue sa Cambodia dahil ang mga ito ay biktima lamang din ng human trafficking na napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa at ginamit lamang din ng mga sindikato ang kanilang kahinaan para makapambiktima ng iba.