Walong suspek sa ‘kidnap for ransom’, nasakote sa Quezon City

Arestado ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang walong suspek sa ‘kidnap for ransom’ sa loob ng JAS Salon and Spa sa Garcia Heights, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Kinilala ni PLTCOL Jeffrey Bilaro, station commander ng Police Station-14, ang mga arestado na sina Jaypee Mangalindan, 22 years old, residente ng Damariñas Cavite; Ralph Garma, Rustom Laurencio, Realan Labto, mga residente ng Muntinlupa City; Glenn Garcia, July Monterde, Joel Mariano at Carlo Villador, mga residente ng Quezon City.

Batay sa report ng Holy Spirit Police Station, makikipagkita umano ang biktima
na si Qin Zhi Xuan sa kaniyang girlfriend na isa sa mga suspek na si July Monterde.


Dinala ni Monterde si Zhi Xuan sa spa and salon at dito na umano piniringan ng iba pang mga suspek saka itinali.

Pagkatapos limasin ang dala nitong pera na 20,000 RMB (Renminbi, ang official currency ng China), tinawagan ng suspek ang mga kaanak ng biktima sa China at humihingi ng ransom money.

Isang confidential informant naman ang nagsumbong sa ginawang illegal detention ng mga suspek sa naturang Chinese national.

Dito na nagkasa ng operasyon ang mga otoridad na nagresulta sa pagka-aresto ng mga suspek at pagkakaligtas sa Chinese national.

Nakumpiska kay Laurencio ang isang caliber Colt .45 pistol at mga bala at anim na cellular phones at ang kotse na ginamit sa pagdukot sa Chinese national.

Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation Detection Unit ang mga suspek at kakasuhan ng Serious Illegal Detention , Robbery Extortion at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Facebook Comments