Nagsampa na ang Philippine National Police (PNP) ng kasong murder o pagpatay laban sa walong suspek na miyembro ng Al Khobar group na responsable sa pagpapasabog ng bus noong January 27, 2021 na ikinasawi ng isang fruit vendor at ikinasugat ng dalawa pa sa North Cotabato.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, kinasuhan ang walo sa North Cotabato Provincial Prosecutor office ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ang mga sinampahan ng kaso ay kinilalang sina Salahudin Hassa, Lutre Aman, Tasly Saligan, Norodrin Haman, Datu Ali Camsa, Sandali Sindatok, Jordan Kamad at Tahir Abubakar, mga residente ng Datu Paglas, Maguindanao at miyembro din ng Dawlah Islamiya- Hassan Group.
Sinabi naman ni Sinas na nagpapatuloy ang police operation sa Mindanao para tugisin ang terrorist group.
Matatandaang batay sa Post Blast Investigation Improvised Explosive Devise at pinasabog ng mga suspek gamit ang Radio Controlled Improvised Explosive Device (RCIED) o ang wireless command detonation.
Tinukoy rin ng maraming testigo ang walong suspek na responsble sa pagpapasabog.