
Isang wanted person ang naaresto ng mga awtoridad matapos makuhanan ng halos walong gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Rosales, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng Rosales Municipal Police Station (MPS), isinagawa ang anti-illegal drugs operation sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ang suspek na isang 33 anyos na tricycle driver, at residente ng nasabing bayan.
Sa nasabing operasyon, nasamsam mula sa suspek ang 7.9 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na ₱53,720.00, na nakapaloob sa walong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na ginamit sa bentahan at pag-iingat ng ilegal na droga.
Narekober din ng mga awtoridad ang iba pang non-drug evidence.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at mahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










