WANTED PERSON SA NATIONAL LEVEL NA HALOS 2 DEKADANG NAGTAGO, ARESTADO

Cauayan City, Isabela- Bumagsak din sa kulungan ang tinaguriang Most Wanted Person sa National level matapos ang halos dalawang dekadang pagtatago sa batas.

Kinilala ang suspek na si Oscar Corpuz, 67 taong gulang, residente ng Barangay Poblacion, Diadi, Nueva Vizcaya.

Matagumpay na nahuli si Corpuz sa Brgy. Banquero, Reina Mercedes, Isabela bisa ng dalawang Warrant of Arrest na inilabas noon pang taong 1999 ng Municipal Circuit Trial Court ng Bagabag-Diadi, Nueva Vizcaya at 2008 ng Regional Trial Court sa bayan ng Bayombong sa nabanggit na lalawigan.

Si Corpuz ay sangkot sa dalawang kasong pagpatay kung saan ang isa nitong kaso ay naitala noong May 7, 1999 na ikinamatay ng biktimang si Leonardo Dela Cruz Jr. sa pamamagitan ng pananaksak.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Ang pagkakahuli ng suspek ay resulta ng pagtutulungan ng mga kapulisan ng Reina Mercedes Municipal Police Station; Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office; Regional Group of Special Concern, Police Regional Office 2; SDIT RIU-NCR, Intelligence Group, Regional Intelligence Division; at Regional Intelligence Unit 2.

Facebook Comments