Manila, Philippines – Pinabubulaanan muli ng Philippine National Police ang mga alegasyon ng umano’y extra-judicial killings sa bansa, base sa statistika sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Ayon Kay PNP Spokesman Police Chief Supt. John Bulalacao, masyado lamang nakatuon ang mga kritiko sa halos apat na libong namatay sa war on drugs pero hindi napapansin ang mahigit 1.3 milyong napasukong mga drug personalities at mahigit 120,000 na naaresto.
Kung ihahambing aniya ang bilang ng mga namatay sa war on drugs sa bilang ng mga napasuko, ang ratio ay point ay 0.3 percent lang.
Malinaw aniya sa mga istatistikang ito ang ebidensya na walang extra-judicial killings sa bansa.
Paliwanag pa ni Bulalacao, kung bahagi ng kampanya ng pamahalaan ang extrajudicial killing, sana ay patay na rin lahat ang mahigit 1.3 milyong surrenders at 120,000 arestado.
Binigyang diin ni Bulalacao na may presumption of regularity sa pagsasagawa ng mga pulis ng kampanya kontra droga.
Ang ibig sabihin nito ay kinokonsiderang tama ang aksyon ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin kung hindi napapatunayan ng korte na ito ay mali.