Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na dapat ay dumaan muna kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino ang plano ng Philippine National Police (PNP) na ibalik ang Oplan Tokhang.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng naging pahayag ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nakatakda niyang buhayin ang Oplan Tokhan ngayong buwan.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi pa nakararating sa Malacañang ang planong ito ng PNP pero mas magandang malaman at aprubahan muna ito ng PDEA.
Paliwanag ni Roque, ang PDEA ang inatasan ni Pangulong Duterte na manguna sa anti-illegal drug war kaya ito din ang dapat magdesisyon kung ipagpapatuloy o papalitan na lamang ang pangalan ng kampanya ng Pamahalaan.
Matatandaan na hindi naging maganda ang epekto sa imahe ng PNP ang Oplan Tokhang dahil sa dami ng napatay na drug suspects sa mga operasyon ng PNP.