WAR ON DRUGS | PNP Chief, nangakong hindi na mapapasukan ng kalokohan ang Oplan Tokhang

Manila, Philippines – Binigyan na ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa nang “go signal” ang kanyang mga police commander na ngayong buwan muling ipatutupad ang Oplan Tokhang sa bansa.

Ayon kay Dela Rosa, handa na ang Philippine National Police na muling ikasa ang Oplan Tokhang Operation bilang tugon sa War on Drugs ng Duterte Administration.

Aminado ang PNP Chief, hindi naging perpekto ang pagpapatupad ng orihinal na intensyon ng Oplan Tokhang nuong una itong ikinasa, kaya naman magkakaroon ito ngayon ng ilang pagbabago.


Hindi rin niya itinanggi, naabuso ang Oplan Tokhang ng ilang tiwaling pulis.

Pangako ng PNP Chief, hindi na mapapasukan pa ng kalokohan ang bagong Tokhang.
Nitong Nobyembre, inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP ang War on Drugs at inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency [PDEA].

Pero nitong Disyembre, bagamat ang PDEA pa rin ang lead agency, ibinalik ng pangulo ang PNP sa kampanya kontra droga.

Sa panig ng PDEA, sinabi ni Director General Aaron Aquino, kailangan munang dumaan sa kanila ang planong pagbuhay ng PNP sa Oplan Tokhang.

Sabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa nakakarating sa Palasyo ang planong ito ng PNP pero mas magandang malaman at aprubahan muna ito ng PDEA.

Facebook Comments