Warehouse na pinagmulan ng chlorine leak, ipinasara mula ng Malabon LGU

Pansamantalang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Malabon ang isang warehouse na nagkaroon ng pagsingaw ng nakakalasong kemikal.

Mismong si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang nag-utos na pansamantalang ipasara ang Jovares Gas and Acetylene hanggang hindi na maamoy ng mga residente ng Barangay Tinajeros ang chlorine.

Nabatid na nasa walong residente ng nasabing barangay ang dinala sa ospital matapos na maamoy ang chlorine kabilang ang mga bata.


Agad namang tumulong ang Malabon LGU sa mga biktima habang nagpadala rin ito ng mga truck na may kargang graba para takpan ang bahagi ng warehouse na pinagmulan ng chlorine leak.

Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng lokal na pamahalaan ng Malabon kung ire-renew ang business permit ng warehouse lalo na’t ang pwesto nito ay nasa residential area na mahigit 30 taon na rin ang operasyon.

Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang dahilan ng pagsingaw ng chlorine mula sa nabanggit na warehouse.

Facebook Comments