Warrant of arrest, hindi na ikinagulat ni Teves

Hindi na ikinagulat ng kampo ni dating Cong. Arnolfo Teves Jr. ang paglalabas ng korte ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ayon sa abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio, alam naman ni Teves na hahantong sa pagpapaaresto sa kanya ang kaso.

Sabi ni Topacio, gagawin nila ang lahat ng legal na opsyon laban sa arrest warrant.


Sa ngayon, hindi pa raw nila natatanggap ang kopya ng resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na nagsasakdal kay Teves gayundin ang utos ng korte para sa e-warrant of arrest.

Pinag-aaralan na rin ng kampo ng kongresista ang posibleng pananagutan na maaaring isampa laban sa DOJ panel of prosecutors dahil sa umano’y pambabalewala sa pagbawi ng testimonya ng sampung akusado na nagtuturo kay Teves bilang mastermind sa Degamo killing.

Samantala, naniniwala rin si Topacio na dahil sa arrest warrant ay lalong hindi mapapauwi sa Pilipinas si Teves na pinaniniwalaang nagtatago sa Timor-Leste, Cambodia o Thailand.

Facebook Comments