Maaaring magsagawa ang pulisya ng warrantless arrests laban sa mga taong lumalabag sa mga lokal na ordinansa sa pagsusuot ng face masks sa publiko.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin at idetine ang mga lalabag sa tamang pagsusuot ng face masks.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang isang law enforcer ay pwedeng arestuhin ang isang indibiduwal kahit walang warrant kung nasaksihan niya o mayroon siyang personal na alam ukol sa quarantine violation.
Pwede ring ikulong ang quarantine violator na hindi lalagpas sa 12 oras.
Dapat mapalaya ang tao kung walang ipupursigeng kaso laban sa kanya.
Iginiit ni Roque na ang pag-aresto ay dapat naaayon sa ordinansa o sa Revised Penal Code.
Ang Department of Justice (DOJ) ay inirekomendang community service ang ipataw na parusa sa quarantine violator.
Kaya panawagan ng Palasyo sa publiko na patuloy na sundin ang minimum public health standards.