Waste-to-Energy, kailangang itaguyod bilang renewable energy

Sinuportahan ni Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian ang pagsusulong ng Department of Energy (DOE) sa pagtataguyod ng pasilidad ng Waste-To-Energy o WTE sa bansa.

Ang naturang hakbang ng DOE na nakasaad sa isang circular ay naaayon sa panukala ni Gatchalian na “Waste-To-Energy Act” o Senate Bill No. 1789.

Layunin nito na magtatag ng regulatory framework para sa mga pasilidad na gumagamit ng WTE technology para sa wastong pamamahala ng basura.


Dahil sa suportang ibinibigay ng pamahalaan, naniniwala si Gatchalian na ang pagpapatibay ng teknolohiyang WTE bilang isang paraan ng maayos na pagtatapon ng mga basura at isang uri ng mapagkukunan ng renewable energy sa bansa ay maaaring makaakit ng atensyon ng mga namumuhunan sa sektor ng enerhiya.

Paliwanag ni Gatchalian, ang pagtatayo ng mga plantang WTE ay hindi lamang makakatugon sa dumaraming iligal na tapunan ng basura kundi maaaring maging sagot din sa pagsisiguro ng mapagkukunan ng sapat na suplay ng enerhiya.

Facebook Comments