QUEZON CITY – Para umano maliwanag sa mga pagala-gala ang epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), idinaan ng ilang opisyal ng Barangay Matandang Balara ang kanilang babala sa isang pagsasadula.
Mapapanood sa demo video na umiiyak ang isang babae habang inilalabas ng pandemic response team ang isang lalaking nakahiga sa stretcher na kunwari dinapuan ng nakakahawang sakit.
Bahagyang sinisisi ng babae ang “pasyente” dahil hindi ito sumusunod sa panuntunan ng enhanced community quarantine.
(VIDEO COURTESY OF BARANGAY MATANDANG BALARA)
Ayon kay Kapitan Allan Franza, naisip niyang gumawa ng “drama” upang malaman ng mga residente ang puwede nilang kahinatnan kapag nagpatuloy sa pagiging matigas ang ulo.
Isinailalim sa total lockdown ang buong barangay sanhi ng pagtaas ng bilang ng mga tinamaan doon ng virus.
Kasabay nito, ipinatupad na rin sa lugar ang window hours para malimitahan ang paglabas ng may mga quarantine pass.
Batay sa huling tala ng Quezon City Health Department, umabot na sa 27 ang nagpositibo sa COVID-19 at lima naman ang namatay.