Ikinu-konsidera ng Palasyo ang international Watchdog na Global Witness, bilang isang makinarya para sa political propaganda at tagapaghatid ng mga maling impormasyon, makaraan itong maglabas ng ulat kaugnay sa umano’y mabilis na pagtaas ng bilang ng mga napapatay na land and environmental defenders sa Pilipinas.
Sa ulat kasi ng grupo na pinamagatang “Defending the Philippines” isinisisi sa administrasyong Duterte ang pagkamatay ng 113 land defenders mula nang maupo ang Pangulo sa pwesto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, wala nang bago sa ibinabato ng mga ito laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at tila ni-rehash na lamang nila ang datì nang pahayag kung saan isinisisi sa pamahalaan ang nangyari sa mga magsasaka, ngunit bigong banggitin na posibleng ang mga local communist movement at armed conflicts ang dahilan ng pagkasawi ng mga ito, lalo’t mayroon aniyang mga komunista ang nais na kontrolin ang lupain ng mga magsasaka
Ayon kay Panelo, hindi kasi nagtagumpay ang nais ng mga ito na dungisan ang integridad ng administrasyon noong unang inilabas ang pahayag, kaya’t inulit na naman ng Global Witness ang paglalabas nito.
Sinabi ng kalihim na hindi balita ang ulat na ito ng UK-based group, dahilan kung bakit hindi ito inilathala ng ibang media outfit.