Pinalawig hanggang katapusan ng Abril ang water service interruption sa ilang lugar sa Metro Manila at Bulacan.
Ito ay kasunod ng tuloy-tuloy na pagtaas ng demand bunsod na rin ng mainit na panahong nagresulta sa mabilis na pagkaubos ng tubig sa mga reservoir.
Ayon sa Maynilad, ibabalik na dapat noong Abril 15 ang supply ng tubig sa ilang mga lugar ngunit hindi na muna ito itutuloy sa ilang mga barangay sa Bulacan, Caloocan, Makati, Malabon, Maynila, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City at Valenzuela.
Makakatulong aniya ito upang makapag-refill ang Maynilad sa kanilang reservoirs tuwing gabi bilang paghahanda sa mataas na demand tuwing umaga.
Mag-uumpisa ang off-peak water interruption sa mga apektadong lugar mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw hanggang Abril 30.
Pinayuhan naman ng Maynilad ang mga apektadong residente na mag-ipon ng sapat na supply ng tubig.