Mahigpit na mino-monitor ng lokal na pamahalaang lungsod ng Marikina ang lebel ng tubig sa Marikina River sa harap ng pananalasa ng bagyong Karding.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, nakabantay rin sila sa mga posibleng pag-ulan sa paligid ng lungsod lalo’t nagsisilbi itong catch basin ng tubig-ulan mula sa San Mateo at Montalban, Rizal gayundin sa mga lungsod ng Antipolo at Quezon.
Ngayong umaga, nasa 12.2 meters ang water level sa Marikina River.
Ayon sa alkalde, hindi na nila hihintayin pang umabot sa 15 meters ang lebel ng tubig sa ilog bago buksan ang mga evacuation center sa lungsod.
Hinikayat din ni Teodoro ang mga residente nito na lumikas na kahit wala pang nararanasang pagbaha.
“Ang inaantabayanan natin, kung aabot ito sa 15-meter level, dun tayo nagkakaroon ng first alarm kung saan ibig sabihin, naghahanda tayo for evacuation lalo na dun sa mga flood-prone areas,” ani Teodoro.
“ Binago rin natin yung protocol ngayon na kung saan dati, kapag 15-meter water level saka pa lang binubuksan ang mga evacuation center. Ngayon ay nasa 13-meter water level ay bukas na yung mga evacuation center. At yung mga tao, ine-encourage rin natin na maski wala pa silang nararanasang pagtaas ng tubig ay pwede na silang mag-evacuate,” dagdag niya.
Kasabay nito, tiniyak ng alkalde ang mahigpit ding pagpapatupad ng protocol sa 45 evacuation center sa lungsod para makaiwas sa pagsisiksikan ang mga evacuees.