Tiniyak ng National Water Resources Board o NWRB at Angat Dam Technical Working Group (TWG) na hindi maaapektuhan ang suplay ng tubig para sa kabahayan o domestic use hanggang sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Dr. Sevillo David Jr., executive director ng NWRB, kabilang sa gagawin nila ay pagbawas pa sa tubig na isinusuplay para sa irigasyon pagpasok ng Mayo.
Sa datos ng NWRB, ibababa ang suplay ng tubig sa irigasyon mula sa Angat Dam sa 10 cubic meters per second kada araw sa buong buwan ng Mayo.
Kumpara ito sa kasalukuyang 35 cubic meters per second ngayong Abril na mas mababa na sa 40 cubic meters per second noong Marso.
Mananatili naman sa 48 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig para sa domestic use.
Ang mga pagbabagong ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat na kaninang 6 umaga ay naitala sa 180.73 meters na malapit na sa minimum operating water level na 180 meters.
Sa pagtaya ng NWRB base sa datos ng PAGASA, ngayong weekend babagsak sa 180 meters ang tubig sa Angat at tinatayang bababa pa sa 173.13 meters sa katapusan ng Mayo.