Dadagdagan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga water assets para mas mapaangat ang kanilang watercraft capability nang sa ganun ay mas maging maigting ang pagpapatrolya sa mga coastal areas sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, ang nakikitang nyang paraan para magkaroon ng mas maraming water assets ay mula sa donasyon o mismong pagbili ng mga ito.
Para sa kanya mas maiging bumili ng locally manufacture o gawa dito sa Pilipinas dahil maging mga ibang bansa aniya ay dito bumibili ng water assets partikular sa Cebu.
Sa ngayon ayon kay PNP Chief, habang limitado pa ang mga assets ng PNP sa pagpapatrolya nagtutulong-tulong naman daw ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) para protektahan ang mga teritoryo ng bansa.
Ginawa ni PNP Chief, ang mga pahayag na ito matapos ang isinagawang blessing kahapon sa Camp Crame sa mga bagong biling sea at mobile assets na nagkakahalaga ng 576 milyong piso.